-- Advertisements --

Lumapit na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang Department of Health (DOH) para hanapin ang dalawa pang unlocated co-passengers ng Pilipino na dinapuan ng UK coronavirus variant.

Sa ngayon kasi ay dalawa na lang mula sa 213 identified contacts ng 29-anyos na pasyente ang hindi pa nahahanap at sumasailalim sa isolation. Umuwi sa bansa noong Enero 7 ang lalaking pasyente saka ng Emirates Flight EK 332 muula Dubai, United Arab Emirates,

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kagabi lang ay nahanap ang isa pang contact ng pasyente na taga Region VII sa tulong ng Philippine National Police (PNP), ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin mahagilap ang dalawang pasahero.

Kaya aniya napagdesisyunan na ng kagawaran na makipag-ugnayan sa Department of Justice (DOJ) at ibigay ang pangalan ng mga pasahero sa NBI.

Sinabi pa ni Vergeire na kulang ang contact details at address na binigay ng mga pasahero kung kaya’t nahihirapan ang contact tracing team na hanapin sila.

Samantala, inaasahan naman na bukas ilalabas ng Philippine Genome Center ang resulta ng COVID-19 test para malaman kung UK variant din ang dumapo sa ina at nobya ng pasyente.