-- Advertisements --

MANILA – Inamin ng Department of Health (DOH) na may tinatayang 497,000 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines na hindi pa naituturok at nakatakdang mag-expire sa katapusan ng Hunyo.

Ayon kay Health Usec. Myrna Cabotaje, bahagi ito ng higit 2-million doses ng British vaccine na donasyon ng COVAX Facility, na dumating sa bansa ngayong buwan.

“Today we have already given 1-million doses, and kailangan na lang natin (iturok) yung 500,000 for the first doses, kasi yung other 500,000 are allocated as second dose for those who have given first dose in March.”

Nasa pagitan ng walo hanggang 12 linggo ang pagbibigay ng una at ikalawang dose ng AstraZeneca vaccines.

Naniniwala ang DOH official na kayang maubos ng bansa ang natitirang doses ng British vaccine bago ang expiration date nito sa katapusan ng Hunyo at Hulyo.

Mula raw kasi nang dumating ang supply ng AstraZeneca vaccines mula sa COVAX, nadagdagan pa ang bilang ng mga Pilipinong nagpapabakuna.

Sa ngayon, umaabot na raw sa higit 170,000 ang nababakunahan laban sa COVID-19 kada araw.

“On May 21, we had 238,000 jabs. Kung patuloy ang pagdating ng mga bakuna, kakayanin natin but siyempre it will depende on vaccine supply that will arrive.”

Target ng gobyerno na mabakunahan ang 70-million indibidwal ngayong taon para maabot ang minimithing “herd immunity” sa COVID-19.