Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na normal ang suplay ng kuryente at fuel sa buong bansa matapos ang mga aberyang dulot ng Bagyong Crising at Habagat.
Tanging ilang lugar sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang nananatiling may localized power interruptions.
Ayon sa DOE, lahat ng power generation plants, kabilang ang Balatubat Diesel Power Plant sa Camiguin Island, Cagayan, ay balik-operasyon na mula Hulyo 19. Habang fully operational na rin ang lahat ng planta ng National Power Corporation sa Mindanao.
Kinumpirma rin ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na gumagana na ang lahat ng transmission lines. Sa Benguet, patuloy ang controlled spilling operations sa Binga at Ambuklao Dams.
Bukod dito tatlong electric cooperatives sa CAR —BENECO, MOPRECO, at ABRECO ang patuloy na binabantayan.
Samantala naibalik narin ang suplay ng kuryente sa 37 bayan mula sa 51 bayan na naapektuhan, na may kabuuang 5,487 customer connections (72.55%).
Pagtitiyak pa ng ahensya na patuloy silang magbabantay sa pagtulong sa local utilities.
Pinaalalahanan din ng DOE ang publiko na mag-ingat, iwasan ang mga bumagsak na kable, at agad iulat ang anumang energy-related hazard.
Dagdag pa ng DOE na nasa normal din ang operasyon ng downstream oil and gas facilities at sapat ang fuel supply ng bansa.