Target ng Department of Energy o DOE na maresolba ang problema sa suplay ng kuryente sa Visayas at Mindanao bago mag-pasko.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, hinihintay na lamang ang mga battery energy storage system at diesel power barges na makatutulong sa pagdagdag ng suplay.
Patuloy na nakararanas ng red at yellow alerts ang dalawang rehiyon dahil sa mga power plant outage at kakulangan sa suplay.
Nitong Huwebes, kapwa nakaranas ng siyam na oras na red alert ang Visayas at Mindanao, na nagresulta sa kontroladong pagkawala ng kuryente sa ilang lugar.
Mula Enero, nakapagtala ang Visayas ng 93 yellow at 30 red alerts, habang 10 yellow at tatlong red alerts naman sa Mindanao.
Para sa pangmatagalang solusyon, nakaplano na rin ang mga bagong baseload power plant na inaasahang papasok mula 2028 hanggang 2030.















