Siniguro ng Department of Energy (DOE) ang matatag na power supply sa bansa kasabay ng nakatakdang pagsisimula ng School Year 2025-2026 sa Hunyo-16.
Sa isang panayam, sinabi ni DOE Assistant Secretary Mario Marasigan na nakahanay na ang ilang mga measure upang maabot ang zero-brownout sa araw ng pasukan.
Inihalimbawa ng opisyal ang naabot na zero-brownout noong araw ng halalan (May 12) na maaari muling maabot sa pagbubukas ng bagong school year.
Ayon pa sa DOE, nakahanay ang ilang proactive measure at contingency plan upang agad matugunan ang mga potensyal na power outage at grid issues, kasabay ng inaasahang pagbabalik ng mga estudyante sa mga paaralan para sa kanilang in-person classes.
Una nang nagsagawa ang Department of Education ng ilang adjustment, pangunahin na ang pagbabalik sa nakasanayang opening of classes sa buwan ng Hunyo sa halip na Agusto. Matatapos ang SY 2025-2026 sa March 31, 2026, matapos ang 197 regular class days, batay sa nakapaloob sa DepEd Order No. 012 series of 2025.