Gagawin ng Department of National Defense (DND) ang lahat para tutulan ang anumang pagtatangka ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy na mailipat sa detention facility ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo.
Ito ang iginiit ni DND spokesperson Director Arsenio Andolong sa isang statement.
Ginawa ng opisyal ang naturang pahayag matapos magpahayag ng interes ang legal counsel ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon na ilipat ang kaniyamg kliyente mula sa Custodial Center ng Philippine National Police (PNP) sa anumang pasilidad ng AFP dahil sa umano’y security concerns.
Ngunit binigyang-diin ni Dir. Andolong na ang mga pasilidad ng AFP ay subject sa striktong operational security protocols kaya’t hindi ang AFP aniya ang tamang ahensya para mag-kustodiya sa mga suspek sa mga kasong kriminal.
Matatandaan, una ng kinumpirma ng AFP ang pagbibigay ng suporta sa PNP sa mga operasyon nito sa KOJC compound sa Buhangin District, Davao City noong Linggo na humantong sa pagkakaaresto kay Quiboloy at apat sa kanyang mga kapwa akusado na sina Crisente Canada, Ingrid Canada, Sylvia Cemañes at Jackielyn Roy.
Lahat ay nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Person Act of 2023, habang si Quiboloy ay nahaharap sa hiwalay na kaso ng paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Gayunpaman, iginiit ng kampo ni Quiboloy na sumuko ang pastor sa Intelligence Service of the AFP (ISAFP) at hindi umano sa PNP.