Iginiit ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na mahalagang hakbang ang Pax Silica project upang mapalakas ang “national resilience” ng bansa, sa gitna ng mga batikos laban sa planong itayong technology at advanced manufacturing hub sa New Clark City.
Ayon kay Teodoro, makatutulong ang proyekto sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil ang kikitain mula sa dating military lands na pinangangasiwaan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ay nakalaan para sa AFP Modernization Program, alinsunod sa umiiral na batas.
Sinabi rin niyang makatutulong ang US-backed project na mabawasan ang pagdepende ng Pilipinas sa iisang pinagkukunan ng semiconductors at mapalakas ang supply chain kasama ang mga kaalyadong bansa. Inaasahang makalilikha ang proyekto ng halos 200,000 trabaho at makapagbibigay ng hanggang P180 bilyong kita kada taon kapag ganap na itong operational.
Bagama’t kinilala ni Teodoro ang mga pangamba tungkol sa epekto nito sa kalikasan, paggamit ng tubig at kuryente, at foreign participation, iginiit niyang mananatiling obligado ang mga kumpanyang kalahok na sumunod sa environmental at sustainability standards. Aniya, mahalagang samantalahin ng Pilipinas ang strategic location nito upang makahikayat ng mga pamumuhunan sa mga kritikal na industriya. (Report by Bombo Jai)
















