-- Advertisements --

Nilinaw ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro na walang bagong kasunduan ang Pilipinas sa Israel matapos tanungin sa budget hearing ng House Committee on Appropriations kaugnay sa patuloy na kontrata sa pagbili ng armas.

Ayon sa kalihim, ang ₱248 milyong pagbili ng 100 rounds ng 155mm precision guided-munition mula sa Israeli firm na Elbit Systems ay bahagi pa rin ng naunang kontrata at hindi panibagong kasunduan.

Naungkat ang naturang isyu matapos hamunin ni Kabataan Party-list Rep. Renee Co ang DND, dahil sa panawagan na putulin ang ugnayan sa Israel bunsod ng patuloy genocide o pambobomba sa Gaza.

Paliwanag ni Sec. Teodoro na mas praktikal na ipagpatuloy ang kasalukuyang sistema kaysa bumili ng bago na mangangailangan ng malaking pondo mula sa modernization program.

Gayunman, inamin niyang may pangamba rin siya sa kasunduan, hindi lang dahil sa sitwasyon sa Gaza, kundi pati sa seguridad ng suplay ng armas mula Israel.

Kaugnay nito, ayon sa kalihim magsasagawa sila ng case study para palawigin ang pinagkukunan ng suplay.