-- Advertisements --

Inaasahan na ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pag-igting pa ng agresyon ng Chinese naval forces sa mga barko ng Pilipinas na nagpapatroliya sa Scarborough shoal at iba pang bahagi ng West Philippine Sea.

Ginawa ng DND chief ang pahayag matapos ang closing ceremonies ng taunang Balikatan drills sa Camp Aguinldo sa Quezon City ngayong Biyernes. Mayo 9.

Ang tugon ng kalihim ay kasunod na rin ng insidente noong Mayo 5 kung saan nagsagawa ng agresibo at mapanganib na aksiyon ang Chinese frigates at coast guard vessels laban sa offshore patrol vessel na BRP Emilio Jacinto na nagsasagawa noon ng routine maritime patrol, 11.8 nautical miles timog-silangan ng Bajo de Masinloc.

Subalit, ayon sa kalihim, hindi natitinag ang Pilipinas sa mga aksiyon ng China at binigyang diin na ipagpapatuloy ng naval forces ng ating bansa ang pagpapatroliya sa lugar bilang parte ng hurisdiksiyon ng Pilipinas.