-- Advertisements --

Tiniyak ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na binibigyan ng legal na tulong ng pamahalaan ang anim na overseas Filipino workers (OFWs) na naaresto sa Hong Kong dahil sa umano’y hindi awtorisadong pagtatrabaho at iba pang paglabag.

Sa isang Facebook post nitong Huwebes, Agosot 21 sinabi ni Cacdac na nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Migrant Workers Office (MWO), at Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamamagitan ng Philippine Consulate General (PCG) sa Hong Kong upang tulungan ang mga nakakulong na manggagawa.

Kinumpirma naman ng PCG ang pagkakaaresto ng anim na Filipinong foreign domestic workers (FDWs) sa isang operasyon ng Hong Kong Immigration Department (ImmD) noong Agosto 17 sa Sham Shui Po.

Nahaharap ang mga OFW sa mga kasong paglabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa Hong Kong, kabilang ang umano’y hindi awtorisadong pagta-trabaho, pagtatatag ng negosyo, at pagpapanggap bilang dentista.

Kung saan nakumpiska umano sa mga ito ang mga gamit pang-dental gaya ng tools para sa scaling, orthodontic treatment, at paggawa ng pustiso.

Ipinaalala rin ng ImmD na mahigpit na ipinagbabawal sa mga foreign domestic worker ang pagtanggap ng trabaho na hindi saklaw ng kanilang kontrata.

Paalala ng ImmD na ang sinumang lalabag ay maaaring pagmultahin ng hanggang USD50,000 at makulong ng hanggang dalawang taon.

Samantala, tiniyak ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga kinauukulang awtoridad sa Hong Kong habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.