Inaasikaso na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang agarang repatriation ng 20 Pinoy seafarers lulan ng lumubog ng Liberian-flagged cargo vessel na M/V MSC Elsa 3 sa may karagatan ng southwestern India noong Mayo 24.
Kinumpirma naman ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ligtas ang lahat ng Pilipinong tripulante na sakay ng barko at nananatili sa isang hotel sa Kochi habang inaantay ang kanilang repatriation.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa Embahada ng Pilipinas sa New Delhi, local manning agency at principal ng naturang barko sa India para tumulong sa agarang pagpapauwi ng mga Pinoy seafarer.
Sa ngayon, prinoproseso na ang temporary travel documents ng mga Pinoy seafarer matapos mawala ang kanilang mga pasaporte at seafarer registration card na naiwan sa lumubog na barko.
Inatasan naman na ng DMW ang manning agency na tiyaking maibibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng mga apektadong Pinoy.
Gayundin, nagbigay na rin ng legal na tulong at interpreters para sa mga tripulanteng Pinoy para sa pakikipagtulungan ng mga ito sa imbestigasyon ng Indian authorities sa insidente.