Opisyal nang naging ika-71 miyembro ng Coalition for Disaster Resilient Infrastructure (CDRI) ang Pilipinas matapos makipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga opisyal ng grupo sa New Delhi, India.
Layunin ng CDRI na tulungan ang mga bansa na palakasin ang mga imprastraktura laban sa mga sakuna at epekto ng climate change.
Bilang miyembro, makikinabang ang Pilipinas sa kaalaman, teknikal na suporta at karanasan ng ibang bansa sa pagbuo ng mas matitibay na kalsada, tulay, pantalan at iba pang imprastraktura.
Maaari rin itong makatulong sa pagkuha ng pondo para sa mga proyektong nakatuon sa disaster-resilient infrastructure.
Ang CDRI ay inilunsad ng India noong 2019. Ang Pilipinas ang ikalawang bansa sa Southeast Asia na sumali sa coalition, kasunod ng Vietnam.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez, na kasama ng Pangulo sa pulong, mahalaga ang pagiging miyembro ng Pilipinas sa CDRI lalo na’t patuloy na nararanasan ng bansa ang lumalalang epekto ng climate change.
“Napakahalaga ito dahil makakatulong talaga itong Coalition sa atin, especially doon sa hinaharap nating climate change,” pahayag ni Sec. Gomez.
















