Binigyan diin ni Secretary Vince Dizon, deputy chief implementer ng National Action Plan against COVID-19, na walang pinapaburan na vaccine manufacturer ang pamahalaan para sa mga bibilhing bakuna kontra COVID-19.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Dizon na lahat ng mga bakuna na napatunayang ligtas at effective ay ikinukonsidera ng vaccine cluster ng pamahalaan.
Una rito, tinanong ni Sen. Richard Gordon kung bakit tila nahuhuli na ang Pilipinas sa ibang bansa pagdating sa mga makukuhang COVID-19 vaccine.
Pero nilinaw ni Dizon na hindi ito ang kaso para sa Pilipinas dahil noong una pa lang, nang maitalaga si Sec. Carlito Galvez bilang vaccine czar, ay kaagad na nakipag-usap ang bansa sa iba’t ibang kompanyang gumagawa ng bakuna kagaya na lamang ng Pfizer.
Pero ang finalization kasi aniya sa mga kasunduan na ito ay nangyayari pa lamang ngayong buwan ng Enero, 2021.
Hindi nakontento si Gordon sa sagot na ito ni Dizon, at kanyang sinabi na marahil ay pinapaburan kasi ng Pilipinas ang bakuna na gawa ng China, sa paniniwala na maibibigay ito ng libre.
Sa unang bahagi ng pagdinig, sinabi ni Galvez na 30 million doses ng Covovax COVID-19 vaccines mula sa Serum Institute of India ang nakuha na ng Pilipinas, bukod pa ito sa karagdagang 60 million doses pang inaasahang ma-secure ngayong linggo.
Sa ngayon, ang Covovax ay nasa ikatlong state na ng kanilang trials sa United Kingdom kung saan 15,000 katao ang subjects, habang 30,000 naman sa United States at Mexico.
Sumasailalim rin ito sa trials sa Australia, South Africa, at India.
Inaasahang makakarating ang bakuna na ito sa Pilipinas sa third quarter ng 2021.