Pinaalalahanan ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año ang mga lokal na pamahalaan na maghunos-dili sa parusang ipinapataw sa mga lumalabag sa enhanced community quarantine.
Iginiit ni Año na hindi kailangan humantong sa pagmamaltrato o paglabag sa karapatang pantao ang parusang ipapataw sa mga enhanced community quarantine violators.
Sinabi ng kalihim na ang parusa sa paglabag ay dipende sa ordinansa ng mga local government units o sa probisyon ng batas.
Bagama’t hangad nang pagpataw ng parusa na matuto ang mga lumalabag sa enhanced community quarantine, iginiit ni Año na dapat panatilihin ng mga pulis o barangay officials ang pagpapahalaga at pagkilala sa karapatang pantao.
Nabatid na ilang daan libo na ang naitatala ng pulisya na lumabag sa implementasyon ng enhanced community quarantine magmula nang idineklara ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 17.
Nasa 200 reklamo na nang paglabag sa karapatang pantao ang isinumbong sa Commission on Human Rights hanggang noong Abril 19.
















