-- Advertisements --

Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na maghanda sa gitna ng unrest sa bulkang Kanlaon sa Negros Island at bulkang Taal sa Batangas.

Ito ay kasunod ng pagputok ng mga bulkan nitong nakalipas na linggo.

Sa isang statement, iniutos ng ahensiya sa mga lokal na pamahalaan ang pag-activate sa kanilang local disaster risk reduction and management councils, preposition ng emergency supplies at pagtiyak sa kahandaan at kaligtasan ng evacuation centers.

Gayundin, hinihimok ang mga lokal na pamahalaan na patuloy na makipag-ugnayan sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at kaukulang lokal na awtoridad.

Hinikayat din ng ahensiya ang publiko na magsuot ng N95 masks at ihanda ang emergency go bags.

Pinaalalahanan din ang mga residente na iwasan ang pagtungo sa Taal Volcano Island gayundin sa 4-kilometer permanent danger zone sa paligid ng bulkang Kanlaon.