Humingi ng paumanhin si Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla kaugnay ng kanyang naunang pagtataya sa kaso ng puganteng dating mambabatas na si Elizaldy Co.
Nauna na kasing sinabi ni Remulla na posibleng maibalik sa Pilipinas si Co sa loob ng isa hanggang tatlong linggo matapos ang iniulat na pagkakadetine nito sa Czech Republic.
Gayunman, inamin ng kalihim na nagkamali siya sa pag-aakalang pareho lamang ang proseso ng repatriation ng mga indibidwal na kulang sa travel documents sa ibang bansa at sa Pilipinas.
Nauna na ngang napaulat na naaresto si Co, na itinuturong pangunahing personalidad sa multi-bilyong pisong kontrobersiya sa flood control, matapos makapasok sa Czech Republic nang walang sapat na dokumento.
Ngunit ayon sa Department of Justice, kinumpirma nitong Martes ng umaga na wala na si Co sa kustodiya ng mga awtoridad sa Czech Republic.
















