-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Itinanggi ng pamilyang Guro na rido ang motibo sa pananambang ng motorcycle-in-tandem suspects kay Lumbaca-Unayan Mayor Somerado Guro sa Barangay Iponan ng Cagayan de Oro City.

Ayon kay Omira Guro, kapatid ng alkalde na walang kaaway ang kanilang pamilya at kilala na mabuting tao ang kaniyang kapatid na si Mayor Guro.

Aniya, kahit siya ay nagtaka kung bakit pinagplanuhang patayin ang alkalde.

Napag-alaman na nakasakay sa pick-up na may plate number KAD 4895 ang mga biktima nang tumabi ang mga suspek at agad pinagbabaril gamit ang .45 kalibre na armas.

Nagtamo ng pitong tama ng baril sa kaniyang katawan ang asawa ni Guro na si Rohaifa Guro, 26-anyos, na dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.

Patuloy namang ginagamot sa ospital ang alkalde matapos nagtamo ng tama sa kaniyang leeg at paa.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo at mga suspek sa krimen.