-- Advertisements --

Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) na nakahanda na sila para sa makasaysayang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa darating na Setyembre 14.

Sinabi ni COMELEC spokesperson John Rex Laudiangco , na lahat ng mga election paraphernalia ay nasa kanilang mga hubs sa nasabing rehiyon.

Dagdag pa nito na lahat ng mga kakailanganin ay nakadeploy na sa mga hubs ng COMELEC sa limang lalawigan lalo na sa Cotabato City.

Nasuring mabuti ito ng mga stakeholders ganun din ang mga watchers ng bawat kandidato.

Gaganapin naman sa Setyembre 12 ang pag-deploy ng nasabing mga election paraphernalia sa bawat clustered precints.

Habang ang mga balota ay kanilang ipapasakamay sa mga guro sa Setyembre 13 isang araw bago ang Bangsamoro elections.

Mayroong 5,212 na mga clustered precints para sa Bangsamoro Parliamentary Elections at bawat isa ay magkakaroon ng automated vote counting machine.

Bawat munisipalidad ay mayroong nakahandang dagdag na makina sakaling pumalya ang mga naunang makina kung saan bawat paaralan ay mayroong nakatalagang technicians para ayusin ang aberya.

Tiniyak nito na lahat ng mga boto ay mabibilang para sa makasaysayang halalan.