-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na hindi lahat ng baboy na kinakatay o idinadaan sa culling operations ay apektado ng African swine fever (ASF) virus.

Ito’y matapos makatanggap umano ang ahensya ng ilang tawag mula sa mga concerned citizens na nangangamba na baka kulangin ng suplay ng karne ng baboy dahil sa dami ng idinadaan sa culling operations na pinaniniwalaang apektado ng ASF.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, ipinaliwanag ni Agriculture Secretary William Dar na kaya maraming kinakatay o idinadaan sa culling ay dahil sa ipinapatupad na 1-7-10 protocol sa mga lugar kung saan may positibong kaso ng nasabing sakit ng baboy.

Tiniyak pa ng kalihim na mayroong sapat na suplay ng karne ng baboy sa mga pamilihan dahil base sa kanilang pinakahuling monitoring ay halos dalawang porsyento lamang mula sa milyon-milyong national swine population ang apektado ng ASF.

Dahil dito aniya kaya walang dapat na ipangamba ang mga consumer hinggil dito.