Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas pa ring makakadaan ang mga Philippine-flagged vessels sa Strait of Hormuz.
Ito ay sa gitna ng mas lumalalang tensyon matapos magbanta si U.S. President Donald Trump ng blockade sa Strait of Hormuz kasunod ng hindi matagumpay na peace talks.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, nananatili ang kasunduan ng Pilipinas at Iran na magpapahintulot sa ligtas at walang sagabal na pagdaan ng mga Philippine-flagged vessels, pati na rin ng mga seafarers at shipment ng langis.
Sinabi rin ng DFA na kamakailan lamang ay kinumpirma ng Iran na ligtas ang pagdaan ng ilang barkong Pilipino sa naturang ruta.
Ang strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang oil shipping routes sa mundo, na dinadaanan ng malaking bahagi ng global oil supply.
Dahil sa kaguluhan sa rehiyon, nagkaroon ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga nakaraang linggo. Gayunpaman, inanunsyo ng Malacañang na magkakaroon ng malaking rollback sa presyo ng petrolyo simula ngayong araw ng Martes, Abril 14, kabilang ang pagbaba sa diesel, gasolina, at kerosene.
Patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon sa Middle East upang matiyak ang seguridad ng mga Filipino seafarers at suplay ng enerhiya sa bansa.
















