Magbibigay ng legal assistance ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa 11 na mga Pilipinong nakulong sa Nigeria dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa cyber-terrorism at internet fraud ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega.
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, kabilang ang mga Pilipino sa 15 dayuhang inaresto sa Nigeria, kasama ang dalawang Chinese, isang Malaysian, at isang Indonesian.
Hinatulan sila ng isang taon pagkakakulong at multang isang milyong naira (humigit-kumulang P37,000) matapos umaming nagkasala.
Inakusahan sila ng Economic and Financial Crimes Commission ng Nigeria na sangkot sa pagrerecruit ng mga kabataang Nigerian para sa identity theft at pagpapanggap bilang mga banyaga.
Una rito ang Embahada ng Pilipinas sa Abuja at konsulado sa Lagos ang kasalukuyang nakikipag-ugnayan upang tiyakin ang kaligtasan at karapatan ng mga Pilipinong nasangkot sa krimen.