-- Advertisements --

Hiniling ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa gobyerno ng Oman na alisin ang requirement na negative HIV certificate para sa mga Pilipinong babiyahe papunta roon.

Ayon sa DFA, nagsagawa sila ng “strong representations” sa Embahada ng Oman sa Maynila upang alisin ang naturang rekisito, lalo na para sa mga Pilipinong pupunta roon para magtrabaho.

Nilinaw naman ng Omani Embassy na ang naturang certificate ay para lamang sa mga turistang gumagamit ng visa-free entry at hindi sakop ang mga may work visa.

Sinabi rin nilang kasalukuyang nirerepaso pa ng kanilang pamahalaan ang patakaran at may nakatakdang pagpupulong hinggil dito sa susunod na linggo.

Inaasahan ng Pilipinas na magiging positibo ang resulta ng pag-uusap dahil sa matibay na ugnayan ng dalawang bansa.

Samantala, nagpaalala ang Emirates sa mga Pilipinong bibiyahe papuntang Oman na kinakailangan ang HIV test certificate bago bumiyahe, maliban sa mga bata, at pinayuhan ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang airline para sa pinakabagong travel requirements.