-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na posibleng mauwi sa detensyon ang hiling na proteksyon ng mag-asawang Pacifico ‘Curlee’ at Sarah Discaya sakaling matuklasan nagsisinungaling ang mga ito.

Ayon sa kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, maaring makasuhan ng ‘perjury’ ang dalawa kung hindi katotohanan ang ibinabahagi nito sa kanila.

Sakali kasing nasa ‘witness protection program’ na ang mag-asawa at mapatunayang nagsisinungaling, aniya’y posibleng alisin o tanggalin ito mula sa kanila.

Ngunit sa kasalukuyan ay ‘no comment’ na muna ang kalihim kung maituturing na bang ‘credible witness’ ang mag-asawang Discaya.

Habang ganto rin ang ibinahagi ni Justice Assistant Sec. MIco Clavano na aniya’y mahaharap sa kasong ‘perjury’ ang testigong mapag-aalamang nagsisinungaling.

Pagbabasehan raw nila rito ang mga sinumpaang salaysay ng ‘witnesses’ na dadaan sa beripikasyon at pagsusuri ng kagawaran.

Samantala bukas naman ang kalihim sa mag-asawang Discaya para makunsidera ang mga ito mapasailalim sa witness protection program.

Lahat naman aniya raw ay may potensyal para mapabilang sa naturang ibinibigay na pribileheyong proteksyon mula sa kagawaran.

Sa kasalukuyan, ayon sa kalihim ay mananatiling ‘confidential’ ang anumang sabihin o ibahagi ng mag-asawa sa kanila ukol sa mga nalalaman sa maanomalyang flood control projects.