-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang mataas na lider ng New Peoples Army (NPA) sa engkwentro ng militar at pulisya sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang napatay na si Juanita Tacadao alyas Kumander Isay/Maring, 1st Deputy Secretary ng Guerilla Front ALIP Far Southern Mindanao Regional Committee.

Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Maximo Layugan na nagsagawa ng law enforcement operation ang Makilala PNP at 39th Infantry Battalion Philippine Army sa Sitio Lacobe Barangay Malabuan Makilala North Cotabato.

Target sanang isilbi ang warrant of arrest laban kay Tacadao ngunit natunugan nito ang mga otoridad at nanlaban.

Tumagal ng limang minuto ang palitan ng bala sa magkabilang panig at nasawi si Tacadao habang nakatakas ang kanyang mga kasamahan

Napag-alaman na ang suspek ay may warrant of arrest na inisyu ni Judge Magnolia Velez ng 11th Judical Region Branch 20, Digos City, Davao del Sur dahil sa kasong murder at kasong Robbery with Violence Against Intimidation of Person na inisyu naman ni Judge Jose T Tabosares ng 12th Judical Region, RTC 12 Branch 23, Kidapawan City.

Narekober ng militar at pulisya ang isang M14 Rifle, isang caliber 38 revolver, isang anti personnel Improvised Explosives Device,mga bala at mga sangkap sa paggawa ng bomba.

Sa ngayon ay nasa isang punerarya sa bayan ng Makilala Cotabato ang bangkay ni Tacadao.

Habang nagpapatuloy ang pagtugis ng pulisya at Militar laban sa iba pa nitong mga kasamahan.