Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na handang handa na ang mga guro sa iba’t ibang bahagi ng bansa na magsilbi sa darating na halalan sa Lunes, May 9.
Ayon kay DepEd USec. Revsee Escobedo, bilang isa sa mga deputized agency ng Commission on Elections (COMELEC), kaisa sila sa adhikain para maging maayos, malinis at mapayapa ang eleksyon.
Suportado at ibibigay aniya ng DepEd ang kaukulang tulong sa lahat na mga tauhan na makikiisa sa halalan.
Nais din ng ahensiya na mabigyan ng karampatang honoraria, allowances at insurance ang mga guro kasama ang iba pang mga poll workers ng DepEd.
Sa panig naman ni DepEd Director IV at Election Task Force Head Atty. Marcelo Bragado Jr., nasa 647,812 personnel nila ang magsisilbi bilang poll workers sa araw ng halalan.
Sa nasabing bilang, 319,317 ay mga miyembro ng electoral boards (EB); 200,627 ang magsisilbing EB support staff; 38,989 dito ay mga DepEd Supervisor Official (DESO); 87,162 dito ay DESO support staff; at 1,717 ay mga DepEd members of the Board of Canvassers.
Dagdag pa ni Escobedo, para matiyak ang kaligtasan ng electoral board members at maging ng mga botante sa election period ay mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa COMELEC, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.