Bumuo ng isang assessment tool ang Department of Education (DepEd) na naglalayong masiguro na walang mali ang mga learning materials na ipinamamahagi sa mga estudyante mula elementarya hanggang sekondarya sa mga pampublikong paaralan.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na naglabas na sila ng kautusan kung saan nakasaad ang mga guidelines para sa evaluation ng mga self-learning modules para sa ikatlo at ikaapat na quarter ng kasalukuyang academic year.
Batay sa kautusan, susuriin ang content, lengwahe, maging ang design at layout ng mga instructional materials.
Magpapatupad din aniya ng “pass or fail method” ang DepEd, ngunit posible rin aniyang makatanggap ng “conditional passing” na marka ang isang learning material.
Ang mga mabibigyan ng conditional passing na marka ay bibigyan ng kopya ng report kung saan naroon ang mga komento at rekomendasyon ng kanilang mga evaluators.
Habang ang mga modules na makakakuha ng 60% na grado o pababa sa alinmang area ng evaluation ay ituturing nang bagsak.
Noong Oktubre, sa pamamagitan ng DepEd Error Watch ay nakakita ang kagawaran ng 41 pagkakamali sa mga self-learning modules na ipinamamahagi sa mga mag-aaral.
Magsisimula ang third quarter ng school year sa Pebrero 15, habang sa Abril 12 naman ang fourth quarter.