-- Advertisements --

Tinutukoy na ng Department of Education (DepEd) kung may katotohanan sa napaulat na bumibili na lamang umano ng mga gawa nang research paper ang mga guro para sa promotion at funding.

Ayon sa DepEd, sinisiyasat na sila ang isyu tungkol dito matapos ang apela ng ilang mambabatas.

Una rito, sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na dapat ay imbestigahan ng DepEd ang isyu na isa umanong “unethical practice” at nagpapakita lamang daw ng kawalan ng integridad.

Nag-ugat ito sa ilang social media posts kung saan nakasaad na may ilang guro ang umaasa na lamang daw sa nasabing gawain.

Naging usap-usapan din online ang mga screenshot ng pagtatanong ng ilang guro hinggil sa mga ready-made paper.

Paliwanag naman ni Roger Masapol, director ng DepEd Planning Services, hindi nila kinukunsinti ang anumang klase ng “fraud” o “ethical infringement of research.”

Alinsunod sa guidelines ng ahensya, obligado ang mga guro na nagsasagawa ng pananaliksik na magsumite ng “anti-plagiarism” at walang “conflict of interest” na research.

“This will be further validated during the initial evaluation where the research committee secretariat will check on plagiarism and possible conflict of interest in the conduct of the research,” ani Masapol.

“Checks on plagiarism and possible fraud are also included in the acceptance of the completed research,” dagdag nito.