-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Maglalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng department order kaugnay sa isyu ng ‘no vaccine, no work policy’.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang no vaccine, no work policy ay iligal dahil wala itong legal basis.

Maituturing itong diskriminasyon sa mga empleyado at kung may mga employer na magrerequire nito ay sila rin ang mananagot.

Ayon sa kanya, isa lamang itong tsismis at kung nais man nila ng ganitong panuntunan ay dapat magpasa ng batas tungkol sa pagbabakuna.

Sa ngayon ay wala pang natanggap na reklamo ang DOLE tungkol dito pero maglalabas ang departamento ng Department order na hindi puwede ang naturang polisiya.

Muling paalala ng kalihim na sagot ng pamahalaan ang pagbili ng bakuna pero kung may kakayahang bumili ng bakuna ang employer ay hindi nila pipigilan gayunman dapat ay hindi niya puwedeng irequire ang empleyado na magpabakuna o di kaya ay pabayaran.