-- Advertisements --

Nakikipag-ugayan na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga lokal na pamahalaan sa Mindanao para sa posibleng banta na dulot ng coastal uplift sa mga komunidad na nasa palibot nito.

Bago nito ay binalaan ng ahensiya ang publiko na iwasan ang pagtatayo ng anumang istruktura sa mga bagong lumabas na coastal uplift areas o mga bahagi ng baybayin na umangat matapos ang magnitude 7.8 na lindol.

Ayon kay DENR-Mines and Geosciences Bureau (MGB) Assistant Secretary Karlo Queaño, komplikado ang sitwasyon ng Pilipinas dahil sa aktibong tectonic movement habang apektado rin ang bansa sa madalas na pagtaas ng sea level.

Sa katunayan aniya, tatlong beses na mas madalas ang pagtaas ng sea level sa eastern seaboard kumpara sa global average, kaya’t hindi malayong tuluyan ding babalik o lalamunin ng dagat ang mga dalampasigang naiwan kasunod ng coastal uplift.

Nagbabala rin ang DENR na maaaring magdulot ng bagong banta ng pagbaha ang mga naganap na paggalaw ng lupa dahil maaari nitong mabago ang daloy ng mga ilog.

Paliwanag ni Queaño, kung ang isang ilog na dating dumadaloy patungong dagat ay biglang naharangan ng umangat na baybayin, mapipilitan itong maghanap ng bagong madadaluyan. Kung lumiko ang tubig patungo sa mga residential area o mga kabahayan, malalagay sa panganib aniya ang mga residente rito.

Ayon kay Queaño, masusing binabantayan ng ahensiya at ng Office of Civil Defense ang mga apektadong lugar, kasama ang pagsasagawa ng masusing hazard assessment para sa kaligtasan ng mga residente.