Naging emosyonal si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa plenaryo ng Senado nang hilingin niya ang interim release para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kasunod ng umano’y “welfare check” sa kanya habang nakadetine sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon sa nakuhang impormasyon ni Vice President Sara Duterte, ang nasabing welfare check ay isinagawa ng mga tauhan mula sa Philippine Embassy sa The Hague.
Ayon sa senador, sino raw ba sila para magsagawa ng welfare check sa isang tao na isinuko ng gobyerno at ikinulong sa ICC?
Giit pa ni dela Rosa, welfare check raw ba ito, o operasyong naglalayong paikliin ang buhay ni dating Pangulong Duterte at para kaninong welfare daw ba ang gustong mapabuti ng kasalukuyang administrasyon.
Dagdag pa niya, maaaring nagdulot lamang ito ng karagdagang sama ng loob at emosyonal na stress sa dating Pangulo.
Bilang tugon, nanawagan ang senador sa Senado na isama sa agenda ang Proposed Senate Resolution No. 18, na naglalayong isulong ang interim release ni dating Pangulong Duterte mula sa ICC, lalo na’t papalapit na ang Kapaskuhan.
Layunin ng resolusyon na tindigan ng Senado at suportahan ang panawagan na mailagay na lamang sa house arrest si Duterte.
Tinapos ng senador ang kanyang pananalita sa panawagang ipakita ang malasakit at respeto sa naglingkod na lider ng bansa.
















