-- Advertisements --

Muling iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na walang naganap na ”misuse” o ”misappropriation” ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), kasabay nang nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.

Sa isang pulong balitaan matapos ang pagdinig nitong Martes, sinabi ni defense spokesperson Atty. Michael Poa na nananatili ang kanilang posisyon na walang confidential funds na napunta sa Bise Presidente.

Ayon kay Poa, hindi pa umano napatutunayan ng prosecution ang mga alegasyong nakapaloob sa impeachment complaint at kinakailangan pa nitong magharap ng karagdagang ebidensya upang patunayan ang mga paratang.

Iginiit din ng abogado na hindi sapat ang testimonya ng isang testigo mula sa Commission on Audit (COA) upang mapatunayan ang umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds.

Aniya, kapwa pa lamang naglalahad ng kani-kanilang ebidensya ang prosekusyon at depensa sa impeachment court, at nasa mga senator-judges ang pagpapasya kung sapat ang mga ito upang patunayan o pabulaanan ang mga isinampang reklamo laban kay VP Sara.