Siniguro ng Department of National Defense (DND) ang sapat na manpower at assets, sa kabila ng magkakasunod na bagyong tumama sa bansa.
Kung babalikan, tatlong bagyo na ang tumama sa Pilipinas ngayong buwan ng Setyembre at pang-apat na ang kasaluukyang bagyong Opong.
Pagtitiyak ni DND Sec. Gilberto Teodoro Jr., nananatiling mayos at sapat ang mga search, rescue, at humanitarian operations assets ng bansa para tumugon sa anumang pangangailangan, sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Maliban sa mga kagamitan ng Office of Civil Defense, nakahanda aniya ang air, naval, at iba pang transportation assets ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaaring magdala ng mga relief supplies sa malalayong lugar o magsagawa ng search and rescue operations sa binabahang lugar.
Malaking tulong din aniya ang maayos na koordinasyon sa pagitan ng ahensiya ng pamahalaan sa malawakan at minsanang pagtugon sa mga apektadong komunidad, kung saan minsanang dinadala sa publiko ang iba’t-ibang serbisyo tulad ng medical, food, sanitation, at iba pa.
Siniguro rin ng opisyal ang agarang pagdedeploy ng manpower sa mga apektadong lugar kung para sa iba’t-ibang serye ng operasyon.
Bagaman nananatili aniya ang deployment ng mga sundalo sa iba’t-ibang lugar bilang bahagi ng kanilang pangunahing tungkulin, nananatiling sapat ang bilang ng mga tropa ng pamahalaan na may kakayahan sa disaster response at humanitarian operations.