Sinegundahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na walang international law enforcement body na magpapatupad sa pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration (PCA).
Gayunpaman, binigyang diin ni Lorenzana na patuloy na ipagtatanggol ng Pilipinas ang teritoryo nito.
Malinaw aniya ang direktiba ng Pangulo na “ipagtanggol ang ating legal na pag-aari na hindi makikipagdigmaan, at itaguyod ang kapayapaan sa karagatan.”
Kaya naman binigyang-diin nito na hindi titigil ang ating Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pagpatrolya sa West Philippine Sea at Kalayaan Island Group.
Sa arbitral ruling noong July 2016, kinilala ang karapatan ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone nito sa West Philippine sea alinsunod sa international law.
Pero hindi kinikilala ng China ang desisyon at patuloy ang pag-aangkin nito sa buong West Philippine Sea base raw sa kanilang nine dash line “historical claim.”
Samantala, nakiisa si Sec Lorenzana sa isinagawang air defense exercise kung saan kasama ang kalihim ng lumipad ang FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force na isinagawa sa Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga kaninang umaga.
Ang nasabing exercise ay pinangunahan mismo ng Air Defense Command ng PAF.