Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pangingialam ng China sa Philippine-U.S. Mutual Defense Treaty.
Ang pahayag ng kalihim ay isinagawa sa online forum ng Stratbase.
Ayon kay Lorenzana na sa paglipas ng panahon, naging bukas ang Pilipinas at Amerika para rebyuhin ang mga nakapaloob sa MDT pero hindi ito naging mabunga dahil sa pagtutol ng ibang bansa.
Sa katunayan, nakipag ugnayan kay Lorenzana ang dating Chinese Ambassador at sinabihan siyang huwag nang galawin o huwag nang magpatupad ng pagbabago sa kasunduan.
Ayon kay Lorenzana, malaki ang naitulong ng kasunduan sa bansa lalo na sa pagpapalakas ng defense capability ng Pilipinas.
Kasama na rito ang paglaban sa terorismo, transnational crime tulad ng pagbabenta ng iligal na armas, pagkalat ng iligal na droga, exploitation ng water resources tulad ng drilling ng langis sa West Phl Sea at maging ang epekto ng climate change.
Ayon naman kay Phil. Ambassador to US Jose Manuel Romualdez, kinakailangan pang palakasin ang kasunduan lalo pa ngayon na maraming hamon na kinakaharap sa Indo Pacific Region.
Umaasa si Romualdez na magkakaroon pa ng pagpupulong ang Pilipinas at Amerika para mapag usapan ang mga proposal na magpapalakas pa ng ugyan ng dalawang bansa.
Samantala ayon naman sa bagong Charge d’ Affaires ng US Embassy na si Heather Variava na ang Pilipinas ang pinakamatandang kaalyado ng US sa Asya, at ang 70 taon ng MDT ay patunay lang ng magandang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Nabanggit din ni Heather na kamakailan ay nagpulong siya kay Lorenzana at kanilang napag-usapan ang mga naka-linyang bilateral defense activities, logistics cooperation, at ang pagpapalakas ng kapabilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP).