Kumitil na ng 60 mamamayan ng China ang mapaminsalang baha na nanalasa sa nakalipas na linggo.
Kabilang sa mga nasawi ang 31 indibidwal mula sa isang elderly care home sa mabundok na Miyun district ng Beijing dahil sa mga pagbaha, na isa sa itinuturing na deadliest floods na tumama sa kabisera ng China sa mga nakalipas na taon.
Sa Beijing, nasa kabuuang 44 katao ang nasawi habang 9 na indibidwal naman ang nawawala nitong Huwebes, ayon sa deputy mayor ng Beijing na si Xia Linmao.
Nagsimulang maranasan ang mabibigat na pag-ulan noong nakalipas na linggo sa Beijing at sa mga nakapalibot na probinsiya at nag-peak ito noong araw ng Lunes.
Kung saan ang Miyun district ay binayo ng mga pag-ulan na aabot hanggang 573.5 millimeters (mm) rainfall na inilarawan bilang lubhang mapaminsala. Halos maabot na nito ang lebel ng average rainfall kada taon sa Beijing na 600 mm.
Sa karatig naman na probinsiya ng Hebei, nasawi ang 16 na katao bilang resulta pa rin ng matitinding pag-ulan.
Walo naman ang naitalang binawian ng buhay sa siyudad ng Chengde sa labas ng Beijing kung saan 18 pa ang hindi nahahanap.
Ang reservoir din ay napuno sa kalagitnaan ng mga pag-ulan, na nanalasa sa mga karatig na mga bayan. Kung saan ang Hebie village sa may hilaga ng reservoir ay nakapagtala ng landslide na kumitil sa 8 katao habang 4 ang nawawala.
Iniuugnay naman ng meteorologists ang matitinding pag-ulan at pagbaha sa China sa pagbabago ng klima .