Ngayong araw ang itinakdang huling araw Philippine National Police (PNP) para mag-apply sa optional retirement ang mga pulis na kabilang sa listahan ng mga umano’y sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, wala nang tatanggapin na aplikasyon sa early retirement sa oras na magsimula ngayong araw ang adjudication process para mapatunayan kung sino sa listahan ang talagang may kinalaman sa iligal na droga.
Magugunitang inalok ni Gamboa ang 357 pulis na kasama sa narcolist ng Malacanang na mag-retire na lang kung sa tingin nila na malakas ang ebidensya laban sa kanila o kaya’y kung gusto na nilang umiwas sa imbestigasyon.
Sinabi ni Gamboa na sa ngayon ay 15 ang nag-apply sa optional at mandatory retirement.
Nasa 43 naman ang nag AWOL matapos na hindi sumipot sa Camp Crame noong ipinatawag noong nakaraang linggo.
Ayon kay Gamboa inaasahang matatapos sa loob ng isang buwan hanggang 45 araw ang evaluation ng mga nasa narcolist.
Pagkatapos aniya nito ay isusumite nila uli sa Pangulo ang pinal na “verified” list kasama ng kanilang rekomendasyon at nasa Pangulo na kung aaprubahan ito.
Magugunitang inihayag ng Pangulo na gusto niyang mapatawan ng death penalty ang pulis na involved sa droga o yaong mga tinaguriang “ninja cops”