Nilinaw ng Malacañang na hindi suspendido ang “dead or alive” order ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng pansamantalang pagpigil ng Department of Justice (DOJ) sa mga otoridad na magsagawa ng pag-aresto simula nitong Biyernes sa mga convicted criminals na napalaya sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law at hindi sumuko hanggang matapos ang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, gusto lamang makatiyak ng DOJ na tama ang pinal na listahan para sa tinatawag na “pin-point accuracy” ng Philippine National Police sa gagawing manhunt operation.
Ayon kay Sec. Nograles, marami na rin kasi ang mga inmates na sumuko at mahalagang malinis ang listahan ng mga nagtatago pa, gayundin kung sino-sino ang mga napalaya sa pamamagitan ng GCTA.
Sa ngayon, nananatili ang P1 million pabuya na alok ni Pangulong Duterte para sa bawat inmate na naabutan ng deadline at itinuturing ng pugante sa batas.