Inilipat sa Manila Doctors Hospital si Sen. Leila de Lima, mula sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon sa kaniyang staff, nasa mabuting kalagayan naman ang mambabatas, ngunit kailangang masuri pa para sa ibang isyung pangkalusugan.
Nabatid na noong Martes pa nakakaranas ng sakit ng ulo at panghihina si De Lima.
Kaya naman pinagbigyan ng dalawang korte ang hiling ng senadora na tatlong araw na medical furlough para sumalang sa mga checkup matapos sabihin ng doktor na nakaranas ito ng mild stroke.
Ang Branch 205 at 256 ng Muntinlupa Regional Trial Court ay naglabas na ng kautusan bilang tugon sa very urgent motion para sa medical furlough ng senadora.
Sa ginawang pagsusuri ng doktor nito na si Dr. Meophilla Santos-Cao, sinabi nito na posibleng nakaranas ang senador ng mild stroke kung kaya’t kinakailangan nitong dumaan pa sa ilang test.
Kasalukuyang nakakulong si De Lima sa Philippine National Police Custodial Center dahil sa drug-related charges na nag-ugat noong siya pa ang tumatayong Justice secretary sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.