Mariing itinanggi ng Department of Budget and Management (DBM) na “underfunded” ang Department of Health (DOH) para sa susunod na taon.
Pahayag ito ni Budget Sec. Wendel Avisado sa gitna ng mga kwestiyon kung bakit P131 billion lamang ang budget ng DOH para sa 2021 sa kabila ng kinakaharap na global pandemic at nasa P2.5 billion lamang ang inilaan para sa pagbili ng COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Sec. Avisado, hindi tama o accurate na sabihing “underfunded” ang DOH para sa 2021 dahil katunayan ay tumaas pa nga ito ng 26 percent.
Ayon kay Sec. Avisado, ang mga programa ng pamahalaan laban sa COVID-19 ay hindi naman naka-pokus lang sa ilalim ng DOH.
Inihayag ni Sec. Avisado na tulong-tulong ang iba’t ibang sangay, departamento at ahensya ng gobyerno sa pagtugon sa health crisis.
Kung tutuusin, sa kabuuan umano ay aabot sa higit P800 billion ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa mga programa laban sa COVID-19 sa ilalim ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.