Inatasan na umano ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Bureau of Customs (BOC) na i-fast track o bilisan ang pagpapalabas sa mga donasyon na personal protective equipment na mula pa sa ibang bansa.
Ito’y sa gitna ng pakikipaglaban ng bansa sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Ayon kay DFA Usec. “Dodo” Dulay, makakaasa ang publiko na agad nilang ibibigay sa mga health workers ang mga foreign donations sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa BOC at Food and Drug Administration (FDA).
Nitong Biyernes nang maglabas ng memorandum ang FDA kung saan nakasaad ang magaan na lamang na clearance guidelines sa Customs para agad nang maipamahagi ng mga kailangang medical gear gaya ng face masks kabilang ang N95 masks, shoe covers, gloves, head covers, at gowns.
Una nang nanawagan ang mga ospital at maraming health workers ng donasyon dahil nagkukulang na sila sa personal protective equipment.
Kung maaalala, nasa apat na doktor na ang nasawi na pinaniniwalaang dahil sa COVID-19.