DAVAO CITY – Wala umanong aasahan na aftershocks at pinsala kasunod ng nangyaring magnitude 4.9 na lindol na tumama kaninang alas-8:56 ng umaga sa Davao Oriental.
Base sa datus ng Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), sentro ng pagyanig ang silangang bahagi ng Governor Generoso sa Davao Oriental.
May layong apat na kilometro, lalim na 30 kilometro at tectonic in origin ang nasabing lindol.
Samantala, Intensity IV ang naramdaman sa Maco at Pantukan sa Davao de Oro, Intensity III sa Koronadal City at Davao City, Intensity II sa Compostela at Nabunturan, Davao de Oro; at Intensity I sa General Santos City.
Habang sa “instrumental intensities,” nasa Intensity II ang General Santos City; Kidapawan City at Davao City.
Pinayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na manatiling alerto at sundin lamang ang mga natutunan sa mga isinagawang earthquake drills kung may malakas na mga pagyanig.