Tiwala raw ang Brazillian volleyball superstar na si Leila Barros na kasalukuyang senador ng Brazil na magiging mabilis ang kanyang recovery matapos tamaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa statement na ipinost ni Barros sa kanyang Instagram account, sinabi ng three-time World Grand Prix champion at two-time Olympic bronze medalist na nag-positibo ito sa isinagawang real-time reverse transcription polymerase chain reaction (rRT-PCR) test.
Si Barros, na naging head turner sa mga Pinoy volleyball fans sa ginanap na World Grand Prix noong 2000 dito sa bansa ay nagkaroon daw ng fever at nanakit ang kanyang katawan.
Pero base sa imaging exams, wala naman umanong pagbabago sa lungs ni Barros.
Sa ngayon, pangalawa ang Brazil sa mga bansang matinding tinamaan ng global health pandemic sunod sa US na mayroong 1,866,176 positive cases at 72,151 deaths base sa pinakahuling data ngayong araw, July 13.