heherson Alvarez

CAUAYAN CITY – Humiling nang dasal ang mga anak nina dating senador at dating DENR Secretary Heherson Alvarez at misis na si NCAA Executive Director Cecile Guidote-Alvarez na tinamaan ng Coronavirus Disease (COVID-19).

Ang mag-asawang Alvarez ay naka-intubate sa Manila Doctors Hospital ilang araw matapos magpositibo sa nasabing sakit.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Hexilon Alvarez, anak ng mag-asawang Alvarez, na-admit sa ospital ang kanyang mga magulang noong gabi ng Miyerkules ng nakaraang linggo.

Nakaranas si dating Sen. Alvarez ng lagnat habang ubo at pneumonia naman ang kanyang misis.

Ayon kay Hexilon, hindi nila inaasahan na tatamaan ng COVID-19 ang kanilang mga magulang dahil hindi naman sila gaanong lumalabas bagamat nagkaroon sila minsan ng pulong at may nakasalamuha na dayuhan na ngayon ay Person Under Investigation (PUI).

Bumaba ang oxygen level ng mag-asawang Alvarez kaya sila ay naka-intubate ngayon kaya’t humihiling ng dasal si ang nakababatang Alvarez para sa kanilang paggaling.

Si dating Sen. Alvarez ay 80-anyos na habang ang kanyang misis na founder ng Philippine Educational Theatre Association (PETA) ay 76-anyos.

Sinabi pa ni Hexilon, huli niyang nakausap ang kanyang ama bago sila na-admit at hindi sila puwedeng dalawin at bantayan sa ospital.

Nalalaman nila ang kalagayan ng kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng kaniyang kapatid sa mga doktor na umaasikaso sa kanila sa ospital.