Humarap sanitong Miyerkules, Setyembre 16, 2026, si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ikatlong status conference ng kaniyang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ito ang unang pampublikong paglitaw ng 81-taong-gulang na dating lider matapos ang higit isang taon mula nang huli siyang makita sa pamamagitan ng video link noong Marso 2025 kasunod ng kaniyang pagkakaaresto.
Humarap ang dating pangulo sa court room matapos linawin ni Presiding Judge Joanna Korner ng ICC Trial Chamber III na inaasahan ng korte ang kaniyang personal na presensya matapos isumite ng mga medikal na eksperto ang kaniyang mga evaluation report.
Nakatutok ang ginanap na pagdinig sa pagpapatibay ng mga timetable para sa paghaharap ng mga testigo, palitan ng ebidensya ng magkabilang panig, at mga huling paghahanda bago ang pormal na pagsisimula ng paglilitis na nakatakda sa Nobyembre 30, 2026.
Kasalukuyang kinakaharap ni Duterte ang mga sakdal na may kaugnayan sa diumano’y malawakang pagpatay sa ilalim ng kaniyang kampanya laban sa ilegal na droga noong siya ay alkalde pa ng Davao City hanggang sa kaniyang pagiging pangulo ng bansa.
Mula nang siya ay maaresto noong nakaraang taon batay sa warrant ng korte, nananatili ang dating lider sa custody ng ICC habang patuloy na iginigiit ng kaniyang defense panel ang kaniyang legal at medikal na mga apela.















