Nanawagan si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa lahat ng panig na tiyaking magiging tapat, maayos, mapayapa at kapani-paniwala ang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Kasunod ito ng mga ulat ng gun violence at tumitinding tensyon ilang araw bago ang halalan.
Ayon kay Pangilinan, makasaysayan ang halalan dahil pipili ito ng mga magiging kinatawan ng Bangsamoro matapos ang mahabang pakikibaka ng mga Moro para sa dignidad, sariling pagpapasya at kapayapaan.
Hinimok niya ang Commission on Elections (COMELEC), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), mga kandidato, lokal na opisyal, dating combatant, community at religious leader, mga tagasuporta ng kandidato at bawat residente ng Bangsamoro na gampanan ang kanilang tungkulin nang may pagpipigil, tapang at paggalang sa kagustuhan ng mga botante.
Binigyang-diin ni Pangilinan na dapat marinig ang tinig ng mamamayan sa pamamagitan ng malaya at pantay na paggamit ng karapatang bumoto, hindi sa pamamagitan ng putok ng baril.
Sinabi rin niyang kailangan ng halalan ang seguridad na neutral at hindi labis na military presence upang walang botanteng matakot na lumabas at bumoto.
Ayon sa senador, layunin din ng halalan na palawakin ang representasyon ng kababaihan, katutubo at iba’t ibang sektor sa Bangsamoro.
Hiniling niya sa lahat na pangalagaan ang halalan para sa mga susunod na henerasyon at makamit ang isang tunay na mapayapa at maunlad na Bangsamoro.
“Sapat na ang dugong dumanak,” ani Pangilinan, habang nanawagan na ituon ang kinabukasan ng rehiyon sa trabaho, ani, edukasyon at pag-unlad sa halip na sa armas.
















