Hinatulan sa kasong graft ng Sandiganbayan ang dating chairman ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na si Efraim Genuino at apat na dating matataas na opisyal ng ahensya dahil sa ilegal na paggamit ng P45.1 million para sa mga proyekto ng itinatag niyang Bida Foundation.
Sa 257-pahinang desisyon, napatunayang guilty sina Genuino, dating Pagcor president Rafael Francisco, senior vice president (SVP) Rene Figueroa, SVP Edward “Dodie” King, at assistant vice president Valente Custodio sa limang bilang ng graft at limang bilang ng malversation. Bawat isa sa kanila ay sinentensyahan ng mahigit 100 taong pagkakakulong at inutusan ding ibalik ang P45.1 million sa gobyerno.
Kabilang sa pinondohan gamit ang pondo ng Pagcor ang mga proyekto ng Bida Foundation gaya ng Christmas at barangay projects, “Bida Comics,” “Bida Caravan,” at “Grand Bida March” mula 2005 hanggang 2008.
Nilinaw ng korte na wala silang sala sa mga kasong may kaugnayan sa pagpopondo ng bigas para sa mga biktima ng bagyo noong 2008 at sa pelikulang Baler, dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Samantala, si dating VP for accounting Ester Hernandez ay nananatiling at-large at in-archive muna ang kaso laban sa kanya.
Ang kasong ito ay inihain ng Ombudsman noong 2011 dahil sa umano’y iregular na transaksyon na pabor sa Bida Foundation at kaakibat nitong party-list.