Nailipat na ng kulungan si dating Ozamis City Vice Mayor Nova Parojinog mula sa PNP Custodial Center sa loob ng Camp Crame.
Ito ang kinumpirma ni PNP spokesperson B/Gen. Rolando Olay sa Bombo Radyo.
Ayon kay Olay, mula sa PNP Custodial Center, inilipat si Parojinog sa jail facility ng BJMP sa Payatas, Quezon City kaninang alas-2:00 ng hapon.
Sinabi ni Olay na nakatanggap ang PNP ng court order at ipinalilipat si Parojinog sa regular jail facility.
Dagdag pa ni Olay, March noong nakaraang taon pa umano inilabas ang court order ng Quezon City Regional Trial Court Branch 95 sa ilalim ng sala ni Judge Edgardo Bellosillo subalit ngayong araw lamang na-excute ang jail transfer.
Naging maayos naman ang paglipat ni Parojinog mula sa Camp Crame.
Matatandaan na nabalot nang kontrobersya ang pananatili ni Parojinog sa PNP Custodial Center.
Nagreklamo kasi siya na minolestya noon ng dating PNP Custodial Service chief na si Lt. Col. Jigger Noceda.
Agad na pinaimbestigahan ng liderato ng PNP sa Women and Children’s Protection Center ang reklamong attempted rape, acts of lasciviousness at violation of safe spaces and unjust vexation laban kay Lt. Col. Noceda na nagresulta sa pagkakasibak nito sa pwesto.
Magugunita na una na ring inilipat ng kulungan ang kapatid na lalaki ni Nova na si Reynaldo Parojinog Jr. na kapwa nakakulong sa PNP Custodial Center.
Sa ngayon si Sen. Leila De Lima ang isa sa mga high profile personalities ang nakakulong sa loob ng Camp Crame.