KALIBO, Aklan—Nababahala si dating Congressman Gary Alejano ng Magdalo Party-list sa posibilidad na ma-dismissed o mabasura ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Aniya, isa sila sa mga civic society na nagsampa ng reklamo.
Duda ng mga ito na gumagawa lamang ng paraan si senate president Francis “Chiz” Escudero na magkaroon ng teknikalidad upang hindi na matuloy ang impeachment process.
Ito ay matapos na inilipat sa Hunyo 11 imbes na Hunyo 2 ang presentation ng articles of impeachment.
Dagdag pa ni Alejano na kung nais talaga ni Escudero at iba pang senador na i-abswelto si VP Sara, dapat gawin nila ito pagkatapos ng impeachment hearing.
Mahalaga aniya na malaman ng mamamayan ang katotohanan at mailahad ang mga ebidensiya laban sa bise presidente.
Pagkakataon din umano ito upang masagot ang mga alegasyon at makapagpaliwanag sa taumbayan.
Iginiit pa ni Alejano na pairalin muna ang due process bago ang desisyon.
Hindi aniya maaari na ipitin sa simula pa lamang ang proseso ng impeachment.
Ang nais ng mamamayan sa ngayon ay magkaroon ng transparency at accountability kung saan, sa ilalim ng 1987 constitution, inuutusan ang Senado na ipagpatuloy na walang delay ang nasimulang impeachment process.