-- Advertisements --

Naglabas ng abiso ang State Weather Bureau ukol sa inaasahang mapanganib na antas ng alinsangan o heat index sa ilang bahagi ng bansa ngayong araw, Abril 17, 2026.

Base sa inilabas na datos ng ahensya para sa Top 10 Highest Heat Index Forecast, nangunguna sa listahan ang Borongan, Eastern Samar at Cotabato City, Maguindanao na parehong inaasahang papalo sa 42°C ang mararanasang init.

Ang nasabing antas ng temperatura ay pasok sa danger category ng ahensya.

Sa ilalim ng klasipikasyong ito, malaki ang posibilidad na makaranas ng heat cramps at heat exhaustion ang publiko.

Maaari rin itong mauwi sa nakamamatay na heat stroke kung tuluy-tuloy ang exposure o pagbibilad sa ilalim ng araw.

Samantala, walo pang lugar sa Pilipinas ang inaasahang makakaranas ng matinding init na nasa ilalim ng extreme caution category.

Kabilang dito ang Butuan City, Agusan Del Norte at Dumangas, Iloilo na parehong magtatala ng 41°C na heat index.

Tinatayang aabot naman sa 40°C ang alinsangan sa mga sumusunod na lugar:

Baler, Aurora

San Ildefonso, Bulacan

Sangley Point, Cavite

Legazpi City, Albay

Zamboanga City

Davao City, Davao Del Sur

Ayon sa panuntunan ng ahensya , itinuturing na extreme caution ang heat index kapag nasa pagitan ito ng 33°C hanggang 41°C. Sa kabilang banda, idinedeklara ang danger level kapag umabot na sa 42°C hanggang 51°C ang alinsangan, at extreme danger naman kapag lumagpas na ito sa 52°C.

Bilang pag-iingat, muling nagpaalala ang pamahalaan sa mga mamamayan na limitahan ang mga outdoor activities, lalo na tuwing kasagsagan ng sikat ng araw.

Mahigpit na pinapayuhan ang lahat na panatilihing hydrated ang katawan sa pamamagitan ng madalas na pag-inom ng tubig, pagsuot ng maaliwalas na damit, at paggamit ng pananggalang sa init tulad ng payong.