Malaki ang tiyansa ng Low Pressure Area (LPA) na nasa labas ng Pilipinas na maging ganap na bagyo sa loob ng 24 oras, ayon sa state weather bureau.
Batay sa updated report ng ahensiya, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 3.095 kilometers, silangan ng Northern Mindanao.
Nananatili itong malayo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngunit patuloy itong binabantayan dahil sa posibilidad ng tuluyang pagkakabuo bilang bagyo na posibleng maka-apekto sa ilang bahagi ng bansa.
Sa kabilang banda, umaabot naman hanggang Northern at Central Luzon ang saklaw ng High Pressure Area (HPA) na kasalukuyang umiiral sa bansa.
Nagdudulot ito ng maalinsangang panahon sa malaking bahagi ng Pilipinas, habang sumasabay din dito ang ilang localized thunderstorm na kadalasang nagdadala ng mga manaka-nakang pag-ulan.
Magpapatuloy din ang mataas na heat index sa malaking bahagi ng bansa kayat ipinapaalala sa publiko ang tuloy-tuloy na pag-iingat dahil sa health risks na dala nito.
















